Pahayag Global ng IMA ukol sa Pag-abandona sa 15 na Filipino Seafarers sa Dagat

23 Enero 2025

Mariing kinokondena ng International Migrants Alliance (IMA) ang pag-abandona sa 15 na Filipino seafarers na lulan ng barkong pagmamay-ari ng Imperial Shipping Agency - Sierra Leone.

Ang mga nasabing seafarers ay stranded sa dagat ng halos apat na buwan simula noong Setyembre 18, 2024 dahil sa pagkasira ng generator ng barko, at mula noon ay walang tugon ang kumpanya sa kanilang mga hiling na piyesa. Sa buong panahong iyon, hindi nagbigay ang kumpanya ng malinis na tubig at pagkain, at ang mga tauhan sa barko ay napilitang kumain lamang ng kanin sa loob ng 24 na araw nang maubos na ang kanilang mga suplay. Lumala ang kanilang kalusugan matapos gumamit ng tubig-ulan sa pagluluto ng halos limang buwan, at nakaranas ng matinding stress dahil sa matagal na pananatili sa barko nang mahigit isang taon. Bukod pa rito, nasira rin ang emergency generator at ang barko ay nawalan ng kuryente. Sa loob ng halos tatlong linggo, ang punong kusinero ay gumamit ng kahoy na panggatong upang magluto habang ang mga inhinyero ay nagtangkang ayusin ang emergency generator. Kahit na ipinaalam sa kumpanya ang mga problema, iniwasan lamang nila ang mga hinaing ng mga manggagawa, at sa halip ay binabastos at sinisisi sila sa pagkasira ng mga kagamitan.

Noong Oktubre 2, 2024, humiling sila ng tugboat ngunit nabigo ang kumpanya na ayusin ito, kaya't ang barko ay nanatiling stranded sa dagat ng higit sa apat na buwan. Dahil sinadyang hindi aksyunan ng kumpanya ang kanilang mga hinaing at hindi iligtas ang mga seafarers, napilitan silang na ibalik ang barko sa pampang, at halos makarating sa baybayin ng Morocco. Nailigtas na ng mga awtoridad ng Morocco ang mga seafarers na lulan nito, ngunit ang barko ay patuloy na nakalutang sa tubig ng Morocco hanggang ngayon. Iniiwasan ng kumpanyang Imperial Shipping Agency - Sierra Leone ang lahat ng responsibilidad kaugnay ng insidenteng ito, at ang mga sahod ng tripulante ay hindi pa rin nababayaran ng ilang buwan, kabilang na rito ang ilan mula pa noong Hulyo 2024.

Ang IMA ay nakikiisa sa Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), International Transport Workers' Federation (ITF), at Migrante International sa paggigiit ng katarungan at tamang kompensasyon para sa mga seafarers, at ang agarang pagligtas sa barko hanggang sa ito ay maayos na maibalik sa kondisyon upang maiwasan ang karagdagang panganib sa mga seafarers at sa kalikasan ng dagat.

Next
Next

[ARTICLE] Mga Migrante at mga Refugee, isulong ang ating laban para sa karapatan, katarungan, at isang lipunang walang sapilitang migrasyon!