[STATEMENT] Itigil ang mga Atake laban sa mga Migrante sa Estados Unidos!

Pahayag ng IMA Global hinggil sa Sapilitan at Malawakang Deportasyon at Pagkakakulong ng mga Migrante sa Estados Unidos

Ika-3 ng Pebrero, 2025

Mariing kinokondena ng International Migrants Alliance (IMA) ang pasistang panunupil ni Pangulong Donald Trump laban sa mga migrante sa Estados Unidos ng Amerika (US).

Araw-araw, tinatayang may 710 na pag-aresto sa mga migrante sa ilalim ng administrasyon ni Trump – mas mataas pa kaysa sa karaniwang bilang na 636 noong administrasyon ni Barack Obama noong 2013. Sa kanyang unang linggo sa opisina, nilagdaan ni Trump ang sampung (10) executive orders tungkol sa migrasyon at naglabas ng sunod-sunod na kautusan upang ipatupad ang malawakang deportasyon at pagkakakulong ng mga migrante sa US. Kabilang dito ang:

  • Pagtatalaga sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) ng kapangyarihang mag-deport ng mga tao nang hindi dumadaan sa hukom ng imigrasyon;

  • Pagtanggal ng patakarang nagbabawal sa mga pag-aresto sa “sensitibong lugar” tulad ng mga paaralan, ospital, at mga lugar ng pagsamba;

  • Pagwawakas sa paggamit ng “CBP One” application na nagpapahintulot sa mga migrante na mag-apply ng asylum at makapasok sa bansa na may dalawang-taong permit at pahintulot na magtrabaho;

  • Pag-aalis ng patakarang nagbigay-daan sa mahigit 500,000 katao mula sa Cuba, Haiti, Nicaragua, at Venezuela na makapasok sa US nang may dalawang-taong permit kung sila ay may financial sponsor;

  • Pangako ni Trump na tatapusin ang birthright citizenship o awtomatikong pagbibigay ng pagkamamamayan sa mga batang ipinanganak sa lupaing pag-aari ng US;

  • Pagsasara ng mga organisasyong nagbibigay ng pansamantalang matutuluyan, pagsasanay sa trabaho, at iba pang suporta sa mga undocumented immigrants; at

  • Pagpapatahimik sa mga legal aid groups na tumutulong sa mga imigrante sa korte at detention centers.

Ginagamit din ni Trump ang militar upang mapadali ang pagkulong at transportasyon ng mga sibilyang imigrante. Ang regularisadong paggamit ng militar sa pagpapatupad ng batas sibil ay isang malinaw na palatandaan ng isang pasistang diktadura. Ang totalitaryanismo ni Trump ay hindi lamang limitado sa loob ng US, kundi umaabot din sa pananakot sa mga bansang tumatanggi sa kanyang mga pasistang patakaran.

Noong Enero 2025, tinakot ni Trump ang Colombia ng 25% taripa matapos tumangging pahintulutan ni Pangulong Gustavo Petro ang paglapag ng dalawang eroplano na may sakay na mga deportee na nakaposas at nasa hindi makataong kalagayan. Napilitan si Petro na umatras, kaya't ibinalik ang deportasyon gamit ang mga eroplano ng gobyerno ng Colombia—ngunit wala nang posas. Simula Pebrero 1, 2025, nagpatupad din si Trump ng 25% taripa sa Mexico at Canada, at 10% taripa sa China, sa isang serye ng digmaang pangkalakalan na lalo lamang magpapataas ng presyo ng pangunahing bilihin sa US.

Habang itinutulak ni Trump ang mga imigrante na umalis ng US, ang US mismo ay patuloy na sumasakop at nangingialam sa mahigit 800 bansa sa pamamagitan ng mga base militar at interes pang-ekonomiya. Sa parehong linggo ng matinding panggigipit sa mga imigrante, ipinahayag ni Trump ang kanyang suporta sa pagpapalayas ng mga katutubong Palestino mula sa kanilang lupain upang bigyang-daan ang kanyang mga proyektong pabahay at negosyo. Sa US mismo, ang mga patakaran ng imperyalistang US ang pangunahing sanhi ng pagtaas ng presyo ng bilihin, pagkawala ng kabuhayan, karahasan, at kahirapan. Sa labas ng US, ang imperyalistang US ang numero unong mananakop, mapanira, magnanakaw, at terorista.

Hinihikayat ng IMA ang lahat ng organisasyon at institusyon sa buong mundo na ipahayag ang suporta at protesta laban sa mga pasistang atake sa mga undocumented immigrants sa US. Nanawagan din kami sa lahat ng biktima ng sapilitang migrasyon at pagpapalayas sa US na magkaisa kasama ang mga lokal na komunidad upang labanan ang iisang kaaway—ang Estadong US at ang kanyang mapanirang hukbo. Hinihimok namin ang United Nations na kondenahin at pigilan ang sapilitang deportasyon at hindi makataong pagtrato ni Trump sa mga imigrante sa US.

Ang mga migrante at imigrante ay mahalagang bahagi ng lipunan sa US, at ang kanilang pagkawala ay lalo lamang magpapalala sa krisis pang-ekonomiya. Panawagan ng IMA sa lahat ng pandaigdigang alyado na palakasin ang laban laban sa imperyalismo at pasismo ng US—sa pamamagitan ng patuloy na pag-oorganisa, pagpapakilos, at paglaban sa anumang anyo ng pagsasamantala, pang-aapi, at kawalang-katarungan na nararanasan ng ating mga komunidad.

Ang lahat ng anyo ng paglaban ay mahalaga upang mapatatag ang ating pandaigdigang pagkakaisa laban sa imperyalismo ng US!

Next
Next

Pahayag Global ng IMA ukol sa Pag-abandona sa 15 na Filipino Seafarers sa Dagat