Pahayag ng International Migrants Alliance ukol sa Paglabag ng Israel sa Kasunduan ng Ceasefire sa Palestine
Mariing kinokondena ng International Migrants Alliance (IMA) ang paglabag ng Zionistang Israel, kasama ng kanilang maigting na alyansa sa US, sa kasunduan ng ceasefire at ang patuloy na genocide sa mga mamamayang Palestino.
Noong Linggo, ika-19 ng Enero, handa na sana ang mga mamamayang Palestino na tanggapin ang unang araw ng kasunduan ng ceasefire sa pagitan ng Zionistang Israel at ng mga mamamayang lumalaban at naninindigan para sa Palestine. Subalit, agad na nilabag ng Israel ang kasunduan ng ceasefire na pinatutunayan ng mga ulat hinggil sa mga airstrike, mass arrest, pagsunog ng mga nayon, at pamamaril sa mga sibilyan na bumabalik sa kanilang mga tahanan matapos ipatupad ang ceasefire.
Pagkatapos ipatupad ang kasunduan ng ceasefire noong ika-19 ng Enero, alas-8:30 ng umaga (sa oras ng Gaza), nagpaulan ang Israeli Occupation Forces (IOF) ng samu’t saring atake gamit ang mga tangke at shelling ng artillery sa mga Palestinong lumilikas at sinusubukang bumalik sa kanilang mga tahanan sa Rafah at Khan Younis, at naging dahilan upang masawi ang hindi bababa sa 19 na sibilyan. Naglunsad ang IOF ng isang malaking operasyon sa Jenin na tinawag na "Operasyon Iron Wall” na dahilan ng pagkamatay at pagkasugat ng higit sa 100 sibilyan. May mga ulat na nagsasabing ang mga Israeli settler ay nagsusunog ng mga nayon ng mga Palestino sa West Bank sa ilalim ng proteksyon ng IOF, habang ang mga sniper ay patuloy na nagpapaputok sa mga bata sa Rafah at pinagbabaril ang mga nagtatangkang kunin ang bangkay ng mga bata. Naglunsad ang Israel ng pamboboma sa mga sasakyan at sibilyan sa silangan ng Gaza na ikinasawi ng hindi bababa sa tatlong sibilyan. Nagsagawa ang IOF ng mga arbitraryong mass arrest ng higit sa 60 Palestino sa West Bank sa parehong araw ng pagpapalaya sa 90 Palestino, at nagpasabog ng mga tear gas sa mga Palestino na nag-aantay sa pagpapalaya ng kanilang mga kamag-anak na dapat ay bahagi ng kasunduan ng ceasefire. Bagamat kinikilala namin bilang positibong hakbang ang desisyon ng pamahalaan ng Israel na unti-unting palayain ang mga bilanggong Palestino, malinaw na ipinakita ng Israel ang kanilanng paglabag sa kasunduan ng ceasefire.
Hinahamon ng IMA ang pamahalaan ng Israel na agarang itigil ang malawakang genocide at persekusyon ng mga Palestino – na palayain ang lahat ng mga bilanggong Palestino, gibain ang mga ilegal na settlement ng Israel, at itigil ang okupasyon nito sa Palestine.
Hinihikayat din namin ang internasyonal na komunidad, kabilang na ang mga naghahangad din ng makatarungang kapayapaan at kalayaan ng Palestine mula sa Israel, na igiit laban sa Zionistang Israel na payagan ang malayang paggalaw ng mga kalakal, serbisyo, at mga porma ng mapagkawanggang tulong para sa mga mamamayang Palestino.
Palagiang susuportahan ng IMA ang mga mamamayang Palestino sa kanilang laban para sa katarungan, kalayaan, at sariling pagpapasya. Iginigiit namin ang aming matibay na pakikiisa sa laban ng mga mamamayang Palestino para sa pambansang pagpapalaya at para sa kanilang panunumbalik sa kanilang bayan.
Ipatupad ang ceasefire! Itigil ang okupasyon ng Zionistang Israel sa Palestine at ang genocide laban sa mga mamamayang Palestino! Palestine para sa mga Palestino! ###