[ARTICLE] Mga Migrante at mga Refugee, isulong ang ating laban para sa karapatan, katarungan, at isang lipunang walang sapilitang migrasyon!

Pagsusuma sa 9 Araw ng Aktibismo ng mga Migrante at mga Refugee

Disyembre 10-18, 2024

Nais kilalanin ng International Migrants Alliance (IMA) ang mga kontribusyon ng aming mga miyembro sa nakalipas na 9 Araw ng Aktibismo ng Migrante at mga Refugee mula Disyembre 10 (Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang Pantao) hanggang Disyembre 18 (Pandaigdigang Araw ng mga Migrante). Maraming miyembro ng IMA mula sa USA, Canada, Ecuador, Chile, Pilipinas, Bangladesh, Indonesia, Middle East, Thailand, Malaysia, Australia, Aotearoa/New Zealand, South Korea, at Italy ang nag-organisa at lumahok sa iba’t ibang porma ng aktibidad at paggunita sa mga araw na ito.

Iba’t ibang mga aksyon ang isinagawa upang isulong ang mga lokal, rehiyonal, at pandaigdigang kampanyang naggigiit ng pakikiisa sa laban para sa mas magandang buhay para sa mga migrante at mga refugee. Ang ilan sa mga kampanyang ito ay nakatuon sa pagtaas ng sahod, mas makataong kondisyon sa trabaho, regularisasyon, pagtigil sa karahasan laban sa mga manggagawang migrante, akses sa maayos na serbisyong pangkalusugan, at iba pang mga isyung tumutukoy sa kapakanan ng mga migrante. Isa sa mga pangunahing kampanyang pinangunahan ng mga miyembro ng IMA sa loob ng 9 araw na ito ay ang kampanya para sa pagpapalaya kay Mary Jane Veloso. Ang suporta para sa pagbabalik ni Mary Jane sa Pilipinas ay sama-sama nilang ipinahayag sa pamamagitan ng mga pahayag, martsa, press conference, mga pagtitipon at pagdarasal, at pagpapalawak ng kampanya sa social media. Dahil sa nagkakaisang suporta ng iba’t ibang grupo, si Mary Jane ay tuluyan nang nakauwi sa Pilipinas. Ngunit, hindi pa tapos ang laban para sa kanyang kalayaan at karapatan. Magpapatuloy ito hanggang siya ay mapalaya mula sa kanyang hatol dahil si Mary Jane ay isang biktima ng Labor Export Program sa Pilipinas at kalakalan ng droga – hindi dahil siya ay nagkasala o nakagawa ng krimen. Ang aming mga miyembro sa buong Asia-Pacific, Middle East, at North America ay patuloy na nagtataguyod para sa ganap na pagpapalaya at clemency para kay Mary Jane.

Nagkaroon din ng mga online na forum sa loob ng 9 na araw na ito kung saan ibinahagi ng IMA Global, kasama ang iba’t ibang chapters nito, ang mga kasalukuyang isyung kinakaharap ng mga migrante, mga refugee, at mga marino. Nagdaos ang IMA Global ng isang online IMA Orientation noong Disyembre 15, 2024 na dinaluhan ng higit sa 40 kalahok mula sa iba't ibang panig ng mundo. Gayundin, ang IMA Seafarers Working Group ay nagdaos ng kanilang unang webinar noong Disyembre 14, 2024 na tinatalakay ang pananamantalang kinakaharap ng mga marino at kung paano sila makakabuo ng mainit na pakikiisa at suporta mula sa iba't ibang bansa. Nag-organisa rin ang MIREDES at ilang mga miyembro ng IMA sa Latin America ng isang serye ng mga webinar na tumatalakay sa sitwasyong politikal at migrasyon sa Latin America. Nagdaos din ang IMA Global ng isang webinar tungkol sa education trafficking noong Disyembre 18, 2024, kasabay sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Migrante.

Ang mga mobilisasyon at pagkilos na isinagawa sa mga kalsada at sa harap ng mga gusali ng gobyerno ay inorganisa ng mga miyembro sa Hong Kong, Pilipinas, South Korea, Canada, USA, at Australia. Ang mga mobilisasyong ito ay isinagawa mula Disyembre 15 hanggang 18. Ang mga miyembro ng IMA, kasama ang mga lokal na organisasyon at mga unyon ng manggagawa, ay nagmobilisa sa harap ng mga tanggapan ng gobyerno at sa mga kalsada upang ipanawagan ang patas at nakabubuhay na sahod para sa mga migranteng manggagawa, pagpapatupad ng mga karapatang pantao, pagtatapos ng genocide sa Palestina, pagpapalaya kay Mary Jane, pag-aalis ng mga regulasyon na hindi paborable sa mga migrante, at pagtatapos ng militarisasyon. Ang mga pagkilos na ito ay patunay na ang kilusan ng mga migrante ay lumalawak at lalong lumalakas. Ang naaabot ng mga miyembro ng IMA ay dumarami at lumalawak, at sumasaklaw sa lahat ng sektor ng mga manggagawa at komunidad na biktima ng neoliberalismo.

Ang mga miyembro ng IMA sa Hong Kong at Malaysia ay nagbahagi rin ng kanilang mga kampanya laban sa hindi makatarungan at mapang-abusong pagtrato na nararanasan ng mga domestic workers. Gayundin, ang iba pang mga miyembro ng IMA ay naglabas ng mga pahayag at mensahe ng pakiisa upang ipagtibay ang aming posisyon bilang isang alyansa na pumapanig sa mga migranteng manggagawa. Patuloy na binibigyang-diin ng IMA ang mahahalagang kontribusyon ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo na kahit nahaharap sa eksploytasyon, karahasan, at hindi pagkakapantay-pantay ay patuloy pa ring lumalaban para sa kanilang mga karapatan.

Bilang karagdagan sa mga aksyon na isinagawa sa buong 9 Araw ng Aktibista ng Migrante at mga Refugee, marapat ding ipagdiwang ang mga tagumpay na ating natamo noong 2024 at gamitin ito bilang inspirasyon upang magpatuloy nang magkasama – bilang IMA at bilang bahagi ng lumalaking pandaigdigang kilusang migrante.

Previous
Previous

Pahayag Global ng IMA ukol sa Pag-abandona sa 15 na Filipino Seafarers sa Dagat

Next
Next

Pahayag ng International Migrants Alliance ukol sa Paglabag ng Israel sa Kasunduan ng Ceasefire sa Palestine